Tue, 22 Sep 2020

Tagalog News: Webinar sa flexible learning, iginayak ng BulSU

Philippine Information Agency
06 Aug 2020, 00:38 GMT+10

LUNGSOD NG MALOLOS, Agosto 5 (PIA) -- Nangungumbida ang Bulacan State University o BulSU sa mga kasalukuyan nitong mga mag-aaral, bagong pasok, mga magulang at mga katuwang sa pamahalaang lokal, na lumahok sa mga webinar bilang paghahanda sa pagsisimula ng flexible learning ngayong pasukan.

Una na riyan ang ginanap na webinar tungkol sa Social Stigma and Stress Management "Kamusta, BulSUAns-Handa ka na ba?"

Tinalakay ito ni Propesor Harold Colon na nagbigay diin sa kung paano ihahanda ang pag-iisip, pangangatawan at pananaw sa pagpapatuloy na makapag-aral sa loob ng isang bagong normal ngayong may pandemya ng coronavirus disease o COVID-19.

Nilahukan ito ng mga mag-aaral na nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon sa kolehiyo, pati na ang mga nasa ikalimang taon sa ibang kurso.

Ayon kay BulSU President Cecilia Navasero-Gascon, gaganapin ang iba pang mga webinars isang araw sa bawat isang linggo hanggang sa unang linggo ng pasukan sa Setyembre 16 tuwing alas-dos ng hapon.

Sa Agosto 12, tatalakayin sa webinar ang paksang Embracing a New Normal Education amidst Pandemic "New Normal Ed is Fr" na tatalakayin ni Dr. Alejandro Bernardino para sa mga dati nang mag-aaral ng BulSU.

Susundan ito ng Tricks on How to Embrace E-Classroom "Diskarte sa E-Klase" webinar na tatalakayin ni Michael Joseph S. Dino sa Agosto 19.

Tungkol naman sa E-Learning: Google Classroom "BulSUFlex-GCTalks" ang webinar sa Agosto 26 na ituturo nina Lilibeth Antonio at Dr. Josline M. Santos.

Sa webinar na nakatakda sa Setyembre 2, ito ay para sa mga magulang na pinamagatang Orientation on Flexible Learning for Parents "Navigating the New Normal Learning Set-Up: Parents' Edition". Pangungunahan ito nina Dr. Ruben E. Borja II at Dr. Joseline M. Santos.

Pinakamalaking webinar na gagawin ay mangyayari sa Setyembre 9 tungkol sa Higher Education Institutions forging relationships with Local Government Units "BulSU at LGUs, Magka-agapay sa Nagbabagong Bihis na Edukasyon". Magiging tagapagturo dito si Dr. Teresita Semana na lalahukan ni Dr. Gascon at mga naimbitahang mga pinuno ng mga pamahalaang lokal kung saan may campus ang BulSU.

Makikiisa sa talakayang ito sina Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian, Hagonoy Mayor Raulito Manlapaz Jr., Bulakan Mayor Vergel Meneses, Bustos Mayor Francis Albert Juan, San Rafael Mayor Cipriano Violago Jr. at si San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes.

Samantala, aabutan na ng unang linggo ng pasukan ng BulSU ang huling webinar na gaganapin sa Setyembre 16.

Tungkol ito sa Project GEARS ng pamantasan na may temang "Hamon ng Kagandahang Asal: Limiin, Pusuan at Pagsumikapan". Pangungunahan ito ni Bro. Audee Villaraza para sa lahat ng bagong pasok, kasalukuyang estudyante, mga magulang at mga taga pamahalaang lokal.

Inaabisuhan ang mga lalahok na makukuha ang link, meeting ID, password o anumang social media platform sa pamamagitan ng pagtawag sa kolehiyong kinabibilangan ng kurso ng isang mag-aaral na nakapaskil sa www.bulsu.gov.ph.

Maaari ring tumawag sa trunkline na 919-7800, pindutin ang 0 para sa operator at magpakonek kay Dr. Magdalena Gatdula, ang dekana ng College of Information and Communication Technology. (CLJD/SFV-PIA 3)

More San Jose News

Access More

Sign up for San Jose News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!